ALAMIN: Vaping sakop ba ng EO vs paninigarilyo sa pampublikong lugar?

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 06:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong nakaraang taon, naglabas ng Executive Order (EO) si Pangulong Rodrigo Duterte na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. 

Pero tanong ng marami, sakop nga ba ang vaping o paggamit ng electronic cigarette sa naturang EO?

Ayon sa isang abogado, hindi kasama ang vaping sa nilagdaang Executive Order 26 ni Duterte. 

"At that time 'yung vape hindi pa siya 'yung pinag-uusapan o popular sa Pilipinas. Ang naging problema sa EO, ini-specify ang [definition ng] smoking," ani Atty. Claire Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Martes. 

"Ang smoking kasi [dinefine as] may tobacco, nakasindi," dagdag niya. 

Nagkaroon kamakailan ng ilang insidente kung saan nauwi sa gulo o aksidente ang paggamit ng vape. 

 REMEDYO

Pero ayon kay Castro, maaari itong remedyuhan sa pamamagitan ng isa pang EO kung saan babaguhin ang depinisyon ng smoking. 

Maaari din daw kumilos ang mga lokal na pamahalaan at magpatupad ng ordinansa kontra vaping. 

Sabi pa ni Castro, posible pa ring managot ang mga gumagamit ng vape sa mga pampublikong lugar sa ilalim ng Clean Air Act, na nagpaparusa sa mga air pollutant. 

"Can it be considered as air pollutants? I think with the definition of Clean Air Act, makakasama siya," aniya. 

Mahaharap sa pagkakakulong at multa ang mga lalabag sa Clean Air Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.