16 katao, nasagip mula sa nagkaaberyang bangka

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 01:02 PM | Updated as of Dec 19 2018 01:34 PM

Nakauwi na rin ang mga nasagip na pasahero at crew ng nagkaaberyang bangka sa karagatang sakop ng Biliran. Larawan mula sa Philippine Coast Guard.

MAYNILA – Na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 12 pasahero at apat na crew ng isang bangka na nagkaaberya sa karagatang sakop ng lalawigan ng Biliran Martes ng hapon.

Ayon sa PCG, itinawag sa kanila ng concerned citizen ang bangka na tatlong oras nang palutang-lutang sa karagatan. 

Kaagad nagsagawa ng rescue operations ang tauhan ng PCG at nailigtas ang mga pasahero at crew ng bangkang Sherkermerry na papunta sanang Biliran galing sa Higatangan Island.

Inabutan ang bangka ng rescue team sa layong 800 metro mula sa pantalan ng Naval sa Biliran.

Sa paunang imbestigasyon, nasira ang propeller ng nasabing bangka dahil sa lakas ng alon habang ito ay nasa biyahe.

Lahat ng mga pasahero ay nasa mabuting kalagayan at pinauwi na ng PCG.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.