Sekyu na rumaraket umano bilang akyat-bahay timbog

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 03:40 PM | Updated as of Dec 18 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa Bacoor City, Cavite ang isang security guard na rumaraket bilang magnanakaw, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Hinuli ng mga pulis ang suspek na si Abdurajack Abdulla sa binabantayan nitong lupain sa Barangay Soldiers 4 noong Disyembre 10.

Isang taon na umanong pinaghahanap ng mga awtoridad si Abdulla dahil sa kasong robbery.

Nakuhanan kasi ng CCTV ang panloloob ni Abdulla sa isang bahay sa Imus City noong Disyembre 2018, kung saan nakatangay siya ng laptop.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang pagnanakaw.

Dati na ring may kaso si Abdulla dahil din sa panloloob ng mga bahay at pagnanakaw, ayon kay Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Ipinayo ni Cabatingan sa mga magbabakasyon ngayong Pasko na kung maaari ay ibilin ang bahay sa mapagkakatiwalaang tao, gaya ng kamag-anak, upang maiwasang mabiktima ng mga akyat-bahay.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.