Drug manufacturers nag-alok ng tapyas-presyo sa 150 gamot

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 05:50 PM | Updated as of Dec 19 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inalok ng isang grupo ng mga medicine manufacturer na bawasan ang presyo ng ilan sa kanilang ibinebentang gamot sa publiko nang hanggang 75 porsiyento.

Ayon sa Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), handa ang ilan nilang miyembro na ibigay ang mas mababang presyo sa publiko, gaya ng presyo na kanilang ibinebenta sa gobyerno.

Kung papayag ang Department of Health (DOH), nasa 150 gamot ang kasama sa tatapyasan ng presyo. 

Kabilang dito ang mga gamot para sa mga sakit sa puso, diabetes, sakit sa bato, hika, psoriasis, mga neurologic disorder, HIV, infectious diseases, at iba pa.

Handa rin daw silang bawasan ang presyo ng mga gamot para sa ilang uri ng kanser, gaya ng breast, colorectal, lung, cervical, kidney, ovarian, lymphomas, at prostate.

Inihayag ng PHAP ang alok sa harap ng panukala ng DOH na magtakda ng price cap sa 120 gamot para maging mas abot-kaya ng mga Pilipino.

Inaasahang bababa ng 54 porsiyento ang halaga ng gamot sa ilalim ng ipinapanukalang maximum drug retail price ng DOH.

Nauna nang sinabi ng DOH na 4 na beses pa ring mas mataas ang presyo ng generic drugs sa Pilipinas kompara sa ibang bansa.

Nasa 22 beses namang mas mataas ang presyo ng branded na gamot sa Pilipinas, lalo sa mga pribadong ospital at botika, kumpara sa ibang bansa.

Lumabas sa isang Pulse Asia survey noong Setyembre na 99 porsiyento ng 1,200 Pilipino ang nagsabing hindi na nila nabibili ang mga nireresetang gamot dahil mahal ang mga ito.

Inaasahan naman ng DOH na aaprubahan ngayong buwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala nilang price cap sa mga gamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.