Buntis at 4 iba pa, hinatulan ng life imprisonment sa kasong droga sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 10:48 PM

Hinatulan ng life imprisonment ang apat na lalaki at isang buntis na babae na naaresto nitong huling Oktukbre sa bayan ng Gandara sa Samar dahil sa pagbiyahe ng aabot sa halaga na P600 million na shabu.

Sa impormasyon mula kay Police Capt. Joselito Tabada, hepe ng Gandara Police, kasama sa hinatulan ng life imprisonment ay si Cesar Uy, Steven Perez, Elbert Abella, Leonard De los Reyes, at Jeralou Laborte.

Sa ipinalabas na hatol ng Regional Trial Court 41 sa Gandara, maliban sa life imprisonment, pinapabayad din ang bawat isa ng P5,000,000 na multa.

Umamin ang mga preso sa korte sa pagbiyahe ng droga, na labag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Ipinag-utos ng korte na ang buntis na si Laborte ay dalhin sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City habang sila Uy, Perez, Abella, at Delos Reyes ay ikukulong muna sa Samar Provincial Jail bago dalhin sa Leyte Regional Prison sa Abuyog.

Isang ang lalaking menor de edad na kasama ng mga nahatulan ay isasailalim naman sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.

Inutos ng korte na i-turnover sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nasabat na droga mula sa mga nahatulan, at agad sunugin ito upang hindi na magamit.

Inutos din ng korte na kumpiskahin at isailalim sa auction ang dalawang sasakyan na nakuha mula sa mga tulak at ilagay sa pondo ng PDEA ang kikitain dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.