Psychosocial debriefing, lugaw hatid sa mga nalindol sa Davao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2019 05:25 PM | Updated as of Dec 17 2019 07:09 PM

Namahagi ng mainit na lugaw ang ABS-CBN sa mga biktima ng lindol sa Davao del Sur. ABS-CBN

Tuloy ngayong Martes ang malalakas na pagyanig sa Davao del Sur bunsod ng mga aftershock kasunod ng magnitude 6.9 na lindol noong Linggo.

Marami sa mga survivor ng lindol ang naninirahan sa mga tent at tila doon na aabutan ng Pasko.

Hindi pa makalimutan ng 9 taong gulang na si "Princess" ang naranasang lindol noong Oktubre 16, na nataon ay kaniyang kaarawan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa malakas na pagyanig noong Linggo, nadagdagan ang takot ni "Princess," na residente ng bayan ng Matanao.

Pakiramdam naman ng 13 anyos na si "Sunshine" ay katapusan na ng mundo nang lumindol noong Linggo.

Nasa Digos City si "Sunshine" nang tumama ang lindol at sa pagbalik niya sa Matanao, bumungad sa kaniya ang pinsalang iniwan nito.

Para maibsan ang takot at trauma na naramdaman ng mga bata, nagsagawa ang Bantay Bata 163 ng psychosocial briefing sa Barangay Quirino sa bayan ng Padada, at Barangay Kapok at Barangay Cabasagan sa Matanao.

Sa briefing, naglaro, kinumusta, at nakipagkuwentuhan ang mga bata.

Bukod sa psychosocial activities, nagbigay din ang ABS-CBN ng mainit na lugaw sa mga residente.

Pagkain, malinis na tubig, at maayos na tulugan pa rin ang panawagan ng mga biktima ng lindol.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.