Lalaking nanghalay umano ng mga batang PWD, arestado sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2019 05:09 AM

MAYNILA—Naaresto ng Pasig City police nitong Lunes ang isang lalaki na umano'y suspek sa panghahalay ng mga batang person with disability (PWD).

Itinuturing na number 1 most wanted ng Pasig City police ang suspek na 1 taong nagtago sa mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, hindi bababa sa 5 ang naging biktima ng suspek na pawang mga kaklase nito sa English Sign Language class ng kanilang lugar.

Nadiskubre ang umano'y ginawang panghahalay ng suspek nang maaktuhan ito ng isang lola ng biktima noong Pebrero.

Inamin naman ng suspek sa mga pulis ang umano'y ginawa nitong kalaswaan. Binibigyan daw niya ng P200 ang mga biktima upang hindi sila magsumbong.

Ayon kay Police Col. Moises Villaceran ng Pasig City police, ginagamit pa umano ng suspek ang pagiging kuya niya para magawa ang mga krimen.

Umuwi naman sa bansa mula Bahrain ang nanay ng isang biktima nang malaman ang nangyari sa anak.

"'Yong pinagkatiwalaan mo na parehas sila may kapansananan 'yon pa gagawa nito," aniya.

Sasampahan ng mga kasong rape ang suspek.—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.