Ilang bahay, gusali sa Davao del Sur, nawasak matapos ang lindol

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2019 09:07 PM

Bumagsak ang isang bahay sa bayan ng Kiblawan sa Davao del Sur matapos tamaan ng malakas na lindol ang lugar nitong Linggo, Disyembre 15, 2019.

KIBLAWAN, Davao del Sur - Nawasak ang ilang bahay at gusali sa bayan na ito matapos tamaan ng 6.9 magnitude na lindol nitong Linggo ang naturang lugar.

Isa sa mga labis na nasira ay ang dalawang palapag na bahay ni Lindon Pellepero na bumagsak sa lupa.

Napaiyak si Lindon sa lungkot dahil matagal na niya ito pinag-ipunan at nagloan pa siya para maitayo ito.

"Nagpapasalamat na lang ako na wala ang pamilya ko (sa loob ng bahay nang bumagsak) at na hindi sila na-trap sa bahay," aniya.

Nasira din ang mga gusali ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), bahagi ng gusali ng public market at ang Kiblawan Municipal Hall kaya 'di ginamit ang mga ito.

Naglagay na lang ng tent ang mga opisyal sa municipal ground para gamiting pansamantalang opisina.

Bukod sa pagkain at tent, kailangan din nila ng maiinom na tubig.

"Lahat kasi ng water reservoir ay not functional na dahil sa lakas ng lindol," ani Michelle Armilla, MDRRMO head.

Mahigit 4,000 na tao ang naitala na apektado ng lindol mula sa 14 na barangay sa Kiblawan. Inaalam pa ang sitwasyon ng natitirang 16 na barangay na pinaniniwalaang napinsala din ng lindol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.