15 Chinese arestado sa pambubugaw sa Las Piñas, Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2019 04:54 PM | Updated as of Dec 17 2019 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Labinlimang Chinese national ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano ay pambubugaw sa magkahiwalay na operasyon sa Las Piñas at Muntinlupa, kung saan nasagip ang 17 babae.

Iniharap ngayong Martes ng NBI ang mga suspek na nahuli sa condominium sa Las Piñas at hotel sa Alabang, Muntinlupa.

Dalawang palapag ng condominium ang inarkila ng mga suspek sa Las Piñas para gawing prostitution den.

Sa isang app umano idinadaan ng mga suspek ang pambubugaw sa mga babaeng Chinese. 

Nasa P400,000 hanggang P500,000 ang kinikita ng prostitution den kada araw, ayon kay NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division chief Joel Tovera.

Sa Alabang, sinalakay ng NBI ang isang hotel na pinagdadalhan sa mga ibinubugaw na babaeng Chinese.

Hindi raw alam ng mga babae na prostitusyon ang kanilang papasukin sa Pilipinas dahil trabaho sa mall ang ipinapangako sa kanila rito, ayon kay Tovera.

Kinasuhan ang mga suspek ng human trafficking. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.