Posisyon ni Catriona Gray sa medical marijuana, 'magagamit sa Kamara'

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2018 06:22 PM | Updated as of Jan 04 2019 12:18 PM

Naniniwala ang isang kongresista na maaaring gamitin ang pahayag ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ukol sa paggamit ng medical marijuana para sa mabilis na pagsasabatas ng isang panukala sa Kamara.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Ron Salo, posibleng magamit ang suporta ni Gray sa paggamit ng marijuana sa medikal na paraan upang makumbinsi ang ibang mambabatas na suportahan ang House Bill 6517. 

"We are certain her (Gray's) statement during the pageant will convince Congress to expedite passage of HB 6517 into law," sabi sa isang pahayag ni Salo, isa sa co-author ng naturang panukala.

Layon ng HB 6517 o ang Philippine Compassionate Medical Cannabis Act na gawing legal ang medical marijuana.

Ipinaliwanag ni Salo na ang medical marijuana ay makatutulong sa mga pasyenteng may kondisyon gaya ng seizures at multiple sclerosis.

Sa question-and-answer portion ng Miss Universe nitong Lunes, tinanong si Gray ukol sa kaniyang opinyon sa legalization o pagiging legal ng marijuana. 

Ayon kay Gray, sinusuportahan niya ang pangmedikal na paggamit ng marijuana pero hindi ang "recreational use" nito.

Nakapaloob din sa panukala ang mga patakaran sa paggamit ng medical marijuana kabilang ang pagtatalaga ng mga qualified physician at caregiver, at ang pagbigay ng identification card sa mga pasyente.

Pero ayon sa Philippine National Police (PNP), dapat konsultahin muna ng mga nagsusulong sa medical marijuana ang mga eksperto kabilang ang Department of Health.

Sakali namang maisabatas, sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na magbabantay sila nang maigi upang hindi maabuso o mapasakamay ng mga tulak at adik ang marijuana.

"If ever na maging batas iyan, we have to have a strict implementation of the law, and palagi nating titingnan kung ito ay maaabuso, lalo na 'yong pagpasok niyan, 'yong pag-import niyan," ani Albayalde.

Nauna na ring ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bukas siya sa paggamit ng marijuana sa medikal na paraan.

May ilang doktor naman ang tutol sa medical marijuana dahil hindi pa raw nakukumpirma ang pagiging epektibo ng paggamit nito.

Pero may mga lugar kung saan legal ang paggamit ng medical marijuana gaya ng ilang bahagi ng Amerika, Canada, at Poland. 

--Ulat nina Zandro Ochona at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.