12 menor de edad kasama sa 16 nasagip mula sa 2 'bugaw'

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2018 04:40 PM | Updated as of Jul 16 2019 12:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Labing-anim na babae ang nasagip noong gabi ng Linggo ng pulisya mula sa 2 hinihinalang bugaw sa isang hotel sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City.

Hinuli ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang isang 19 anyos na lalaki at 17 anyos na lalaki matapos tanggapin ng mga ito ang bayad mula sa pulis na nagpanggap na kostumer.

Kabilang sa 16 na nasagip ang 12 menor de edad, ayon sa PNP. Pinakabata raw sa mga naligtas ay 13 anyos.

Nasa P2,500 umano ang bayad kada babae at may parte pa raw dito ang mga hinihinalang bugaw.

Sa mga hotel o motel daw dinadala ng mga suspek ang mga babae sa mga magiging kostumer at doon sila pagpipilian.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 7610 o Anti-Child Abuse Law at RA No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.