TINGNAN: Ilang lugar sa Visayas binaha

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2016 09:12 PM

Binaha ang ilang lugar sa Visayas dahil sa walang tigil na pag-ulan mula Biyernes.

Binaha ang limang barangay na Santo Anghel, San Jose, Santo Ninyo, Duran at Poblacionsa Dumalag, Capiz kung saan higit sa 140 pamilya ang inilikas dahil sa pagtaas ng tubig.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC), apektado rin ang mga bayan ng Sigma, Cuartero, at ilang bahagi ng Dao, Capiz.

Nagsimula nang bumalik sa kani-kanilang tahanan ang mga lumikas na pamilya kanina nang magsimula na ang pagbaba ng tubig.

Kasalukuyan pang inaalam ng PDRRMC kung totoo ang ulat na may isang nawawala sa Dumalag dahil sa baha.

Binaha rin ang bayan ng Las Navas sa Northern Samar.

Photo courtesy of Romualdo Siases

Dahil sa pagtaas ng tubig, pinasok din ang mga kabahayan kagaya na lang sa Barangay Quirino sa Las Navas.

Dahil sa pangamba na tumaas pa ang tubig, inilipat ng ilang residente sa second floor ang kanilang mga gamit.

Photo courtesy of Romualdo Siases

Hindi rin nakaligtas sa baha ang ilang barangay sa Gandara, Samar.

Photo courtesy of Jennifer Demolar Sumagang

Kasama sa mga binaha ang ilang daanan at mga paaralan.

Photo courtesy of Jennifer Demolar Sumagang

Sa Barangay Lokilokon sa Paranas, hindi rin madaanan ng sasakyan ang mga kalsada dahil sa pagbaha.

Nagsagawa na ng pagpupulong ang mga opisyal ng PDRRMC sa tatlong probinsiya ng Samar ukol sa mga pagbaha.

Naka-monitor din ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council sa sitwasyon sa mga binabahang mga lugar.