3 hinihinalang miyembro ng robbery-holdup gang patay sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 02:33 PM

Patay ang 3 hinihinalang miyembro ng robbery-hold up group matapos makaengkuwentro ng mga pulis sa Pandi, Bulacan noong gabi ng Linggo.

Target sanang holdapin at pagnakawan ng grupo ang isang appliance store nang makita ng mga awtoridad ang kahina-hinalang kilos ng mga lalaki, ayon kay Col. Emma Libunao, hepe ng Bulacan police.

Sinundan ng mga pulis ang mga lalaki — na sakay ng isang motorsiklo — at nadala sila sa isang liblib na kalsada.

Nauna umanong magpaputok ng baril ang mga lalaki, dahilan para makipagbarilan din ang mga pulis at mapatay sila.

Iniimbestigahan ng pulisya kung dating mga sundalo o pulis ang 3 matapos makuhanan ng mga ID ng Philippine National Police, Philippine Army, at Philippine Marine Corps.

Bukod sa pistol at hand gun, nakuhanan din ng mga pampasabog ang 3 lalaki.

Naghigpit na ang pulisya sa pagpapatupad ng seguridad sa Bulacan lalo at dumadami umano ang mga kaso ng holdapan kapag Pasko at Bagong Taon.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.