2 bangkay na natagpuan sa van sa Cavite kilala na

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2019 02:49 PM | Updated as of Dec 15 2019 06:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natukoy na ang pagkakakilanlan ng 2 bangkay na natagpaun sa loob ng isang inabandonang van sa Noveleta, Cavite noong Biyernes.

Nakilala ang mga bangkay bilang sina Miguelito Estrera at Ronan Muji, parehong taga-Oriental Mindoro, ayon kay Capt. Rosalino Panlaqui, hepe ng Noveleta police.

Nabigyan ng pagkakakilanlan ang mga bangkay matapos dumulog sa mga awtoridad ang kanilang mga kaanak.

Sina Estrera at Muji ang driver at co-driver ng puting van na inarkila ng mga hindi pa nakikilalang tao noong Disyembre 11.

Nagpaalam daw ang 2 lalaki na may susunduin sa airport, ayon kay Panlaqui.

Ikinagulat ng mga kaanak ng 2 lalaki nang kumalat sa social media ang retrato ng puting van, na nakilala nila dahil sa plate number nito.

Ayon kay Reynaldo Hernandez, pinsan ng misis ni Estrera, huli niyang nakausap ang kaanak noong Disyembre 11.

Sinabi raw ni Estrera na pupunta siyang Cavite pero hindi naman sinabi kung sino ang kikitain doon.

Trabaho rin umano ang ipinaalam ni Muji sa kaniyang ama at asawa.

Sasailalim sa autopsy ang bangkay ng 2 lalaki para malaman ang sanhi ng pagkamatay.

Nagsasagawa na rin ng examination sa puting van para sa finger prints at blood stains na nakita ng pulisya.

Binabalikan na rin ng pulisya ang mga dinaanan ng van mula Oriental Mindoro at Batangas port.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.