BFAR, NBI sinusuri ang nasabat na 2,000 kilong galunggong mula China

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2018 05:03 PM

Nasa 1,800 kilo ng frozen galunggong ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa isang pasilidad sa Navotas. Mula China ang mga produkto at sinusuri ngayon kung positibo sa formalin. Kuha ng BFAR

Tapos na ang pag-iimbentaryo ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga freezer container sa isang cold storage facility sa Navotas City.

Miyerkoles ng gabi nang masamsam sa isang buy-bust operation ang halos 2,000 kilong frozen galunggong mula China na isinilid sa mga kahon.

Ayon kay Nazario Briguera, chief information officer ng BFAR, kumuha na ng sample ng isda ang mga taga-BFAR sa kanilang inspeksiyon para ipasuri kung may laman na kemikal.

"It's not yet conclusive na positibo sa formalin ang mga nakumpiskang isda... In fact, hindi ito nakalabas sa merkado dahil nasabat nga ito ng NBI," ani Briguera.

Inaasahan ng BFAR na sa susunod na linggo lalabas ang resulta ng kanilang laboratory test.

Ayon naman kay Noel Bocaling, officer-in-charge ng NBI-Bulacan na nagkasa ng operasyon, magsasagawa rin ang NBI ng sarili nilang pagsusuri sa nilalamang kemikal ng mga galunggong.

Sila kasi ang unang nakatanggap ng impormasyon na posibleng may formalin ang mga isda.

Ayon sa NBI, ang mga frozen galunggong na iyon ay angkop lamang na pang-de lata at hindi dapat itinda sa mga palengke.

Ginagamit ang formalin bilang pampreserba ng mga patay na hayop pero mapanganib na ilagay sa pagkain dahil nakasisira ng tiyan at posibleng nakamamatay.

Sabi ni Briguera, 52 container van ang naitala nila sa magdamag na imbentaryo. Unang tinaya ng NBI na 70 container ang naroon.

Sa mga ito, 23 ay naglalaman ng mga fishery product gaya ng isda at pusit, habang 29 naman ay naglalaman ng mga prutas.

—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.