ALAMIN: Hakbang ng CHR para mapanatili ang dignidad sa mga piitan

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2018 10:20 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasunod ng mas maigting na pagpuksa sa kriminalidad sa ilalim ng war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy rin ang pagdami ng mga nahuhuli at ikinukulong. 

Pero ano nga ba ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno para masigurong walang nalalabag na karapatang pantao sa mga siksikang kulungan sa bansa?

Ayon kay Commission on Human Rights (CHR) commissioner Karen Lucia Gomez-Dumpit, nasa mandato ng kanilang ahensiya ang pagbisita sa mga kulungan. 

Alinsunod ito sa "jail visitorial powers" ng CHR, na nakasaad sa Article 13 ng Saligang Batas.

Parte ng kanilang obligasyon ang pagsubaybay sa mga kalagayan ng mga nakapiit.

"Hindi porke nakapiit ay kinakalimutan po natin ang kanilang mga dignidad. Kailangan makakain sila nang maayos. Kailangan 'yung health and sanitation nila sa facility kailangan maiayos din iyon," ani Gomez-Dumpit sa "Usapang de Campanilla" nitong Miyerkoles. 

Nanawagan si Gomez-Dumpit na agarang tugunan ang paglilitis ng mga kaso lalo na't karamihan umano sa mga nakakulong ay nag-aantay lamang ng hatol o paglilitis. 

"Karamihan sa mga naka-detain ay mga taong awaiting trial, kaya 'yun ang dapat tugunan din. Hindi lang 'yan [kasi nasa] estado sa jails. Tinitignan din kung bakit nagtatagal ang mga tao awaiting trial [sa piitan]," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.