Batas militar, hindi diktadura: Malacañang

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 04:25 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng Malacañang na hindi panimula ng diktadura ang batas militar na ngayo'y umiiral sa Mindanao at pinalawig pa hanggang dulo ng 2018.

Nitong Miyerkoles, Disyembre 13, sinabi ni Duterte na maaaring mapalawig din ang batas militar sa Luzon at Visayas kung sa tingin ng militar at pulisya ay kakailanganin ito pangontra sa rebelyon.

"If sabi ng NPA that they are recruiting in mass numbers and they create trouble, and they are armed and about to destroy government... The government can always preempt and prevent that disaster. To what extent, what level of atrocities or attacks… it is not for me to say that – it is for the Armed Forces and the police,” ani president.

Pero nanindigan ang Palasyo na magkaibang-magkaiba ang batas militar sa Mindanao ngayon kumpara sa umiral na martial law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“This is not the same martial law that we had in 1972. Courts remain functioning, Congress remains existing, the Bill of Rights and the Constitution is enforced,” ani presidential spokesperson Harry Roque.

("Hindi ito ang martial law noong 1972. Nananatiling bukas ang mga korte at nariyan pa rin ang Kongreso. Umiiral din ang Konstitusyon.")

“So I don’t think there’s been any legal basis for the fears of many that there will be the return of dictatorial rule. Neither has there been any systematic or gross violations of human rights so far,” dagdag ni Roque.

("Walang basehan ang pangamba ng marami na magbabalik ang diktadura. Wala ring paglabag sa karapatang pantao.")

Binigyang diin din ng pangulo ang batayan ng pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

"There is actually rebellion in Mindanao. It is, when you say it's going, ongoing, the fighting is going on. That is what is meant by ongoing. It is happening," sabi ni Duterte.

Kontra NPA

Inulit din ni Duterte ang paliwanag na kahit nanaig na ang militar sa Marawi, kailangan pa rin ang martial law dahil nariyan pa rin ang banta sa Mindanao ng iba't-ibang teroristang grupo kabilang na ang New People's Army (NPA).

Nito rin lang Disyembre nang iproklama ni Duterte na terorista ang NPA.

Naghahanda naman ang ilang mambabatas sa oposisyon na kuwestiyonin ang martial law extension sa Korte Suprema.

"Mindanao is now a testing ground, conditioning the minds of the people that it could creep to Visayas and Luzon," ani Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano. 

"The government can use that justification in Visayas and Luzon dahil mayroon namang NPA and encounters between them and the Armed Forces of the Philippines."

Mayroon din namang mambabatas na gustong mapalawig sa buong bansa ang batas militar.

"There are also NPAs in Luzon and Visayas, therefore, if martial law is good for Mindanao, isn't it that martial law is also good for Luzon and Visayas?" ani Kusug Tausug party-list Rep. Shernee Abubakar Tan nang talakayin sa Kongreso ang martial law extension nitong Disyembre 13.

Iginiit naman ng isang grupo ng mga abogado na hindi tugma sa mga pangangailangang hinihingi ng Saligang Batas ang mga batayang ibinigay ni Duterte para palawigin ang batas militar sa Mindanao.

"Palusot lamang siya. Ginagamit lang na dahilan para pagtakpan [kung] ano ba talaga 'yung agenda na gusto ng ating martial law administrators," ani Edre Olalia, abugado at pangulo ng National Union of Peoples' Lawyers.

-- May ulat nina Pia Gutierrez at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.