Traffic enforcers sa Davao City, nag-abot ng maagang pamasko sa drivers

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2019 12:56 PM

Napalitan ng ngiti ang kabang unang naramdaman ng mga driver matapos parahin ng mga traffic enforcer hindi para sitahin, kundi para bigyan ng maagang biyaya. Hernel Tocmo, ABS-CBN News


DAVAO CITY - Nagulat ang mga tsuper ng jeep at taxi dito sa siyudad matapos parahin ng mga traffic enforcer at mga kawani ng City Transport and Traffic Management Office (CTTMO) para bigyan ng maagang pamaskong food packs, Sabado ng umaga.

Ayon sa mga driver, inakala nilang panghuhuli ang magaganap dahil ang pambungad na mga tanong ay kung may lisensiya at PUV driver’s ID ba sila at kung nasa kundisyon ang minamaneho nilang sasakyan. 

Saka na lamang sinabi sa kanila na ang tunay na pakay ng pagpara sa kanila ay para bigyan ng food packs mula sa CTTMO at Davao City Mayor’s Office.

Walong lugar ang tinungo ng mga traffic enforcer para mamahagi ng food packs. Ang kanilang hepe mismo ang kumausap sa mga driver sa San Pedro Street.

Ikinatuwa naman ng mga driver ang kanilang maagang pamasko at hindi inasahan na may matatanggap habang namamasada lang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.