Modus ng mga kawatan sa Pasko, paano maiiwasan?

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 04:54 PM

Isang street market sa Divisoria, Maynila noong Disyembre 2017. Erik De Castro, Reuters/File

Ilang araw bago mag-Pasko, nagsimula nang dumagsa ang mga tao sa mga pamilihan gaya ng mga tiyangge at mall. Kaakibat nito ang banta na mabiktima ang mga mamimili ng mga kawatan.

Isa si alyas "Pablo" sa mga kasalukuyang nakakulong dahil sa reklamong pagnanakaw.

Ayon sa kaniya, mas nagiging aktibo ang kaniyang grupo pagpatak ng "Ber" months o mula Setyembre hanggang Disyembre, sa mga lugar gaya ng Divisoria at Tutuban sa Maynila.

"Mga midnight. Do'n lang po 'pag magpa-Pasko. 'Di na po kami lumalayo. Pinag-aaralan din namin 'yung abente na suweldo, minsan kinsenas, katapusan," kuwento ni Pablo.

Target daw nina Pablo iyong mga may dalang bag sa mga matataong lugar.

"Basta kapag nabuksan niya 'yung bag na iyon, kahit anong makuha niyang gadget doon... wala na kaming pipiliin," aniya.

Bukod sa pandurukot, isa pa sa mga isitilo ng pagnanakaw ng grupo ni Pablo ang pamimitas ng mga alahas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga nagbabalak mamili ngayong Pasko na ingatan ang kanilang mga gamit at maging alerto sa mga kawatan.

"Kukunin nila 'yong attention ng tao na busying-busy sa pamimili at titingnan nila kung alin 'yong puwedeng madukot sa kanilang mga katawan," sabi ni Superintendent Fernando Reyes, commander ng police community precinct sa Juan Luna, Maynila.

"Either puwede sa bag o puwede sa bulsa na puwede madaling madukot nang hindi napapansin ng ating mamimili," dagdag niya.

Ayon pa kay Reyes, hangga't maaari ay huwag nang magsuot ng mga alahas at iba pang mamahaling gamit kapag mamimili.

"Huwag na natin i-display kasi madali pong maka-attract 'yan sa mga gumagawa ng kasamaan during Christmas season," aniya.

Mainam din umanong maagang pumunta sa mga pamilihan at iwasan sumabay sa dagsa ng mga tao.

Iminungkahi rin ng mga awtoridad ang pagdadala ng sling bag at pagtago ng pera sa iba-ibang bahagi ng katawan.

Makatutulong din kung alam ng mga mamimili kung saan nakapuwesto ang mga pulis para malapitan kung kinakailangan.

--Ulat nina Toph Doncillo at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.