Mga tindahan ng pekeng 'Family Is Love' shirt sa Divisoria sinalakay

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 08:29 PM

Kinumpiska ng NBI ang mga pekeng Kapamilya shirts na ibinebenta sa Divisoria. Screengrab


Sinalakay ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) ang mga tindahan sa Divisoria na nahuling nagbebenta ng mga pekeng "Family Is Love" shirt ng ABS-CBN.

Kasama ang mga abogado ng ABS-CBN, sinugod ng mga tauhan ng NBI ang pitong tindahan sa loob ng isang mall sa Divisoria.

Huli pa ang isang tinderang madaliang sinungkit ang pekeng mga shirt sabay tinago nang makita ang mga ahente ng NBI. 

Pero nang makarating na sa mga target ng search warrant, nagulat ang mga tindero’t tindera, na kaniya-kaniyang palusot kung bakit nagtitinda ng pekeng Kapamilya shirts. 

Ibinibenta ang mga damit ng P150 kada isa. 

Ayon sa ABS-CBN Legal Division, tatlo ang pangunahing pagkakaiba ng orihinal at peke.

Una ay ang kalidad nito kung saan mas manipis ang tela ng peke; pangalawa ay ang pag-print, kung saan vinyl lamang ang gamit sa peke at hindi embossed; at ikatlo ay may ABS-CBN logo rin dapat sa kaliwang sleeve pag orihinal.

Umabot sa halos 500 pekeng "Family Is Love shirts" ang nakitang nakasako at ready na raw for delivery kaya't agad itong kinumpiska ng NBI. 

Kinuha rin maging mga sticker, hot press para sa printing, at maging ang mga blangkong shirt. 

Nanawagan naman ang ABS-CBN na itigil na ang pagbebenta ng pekeng Kapamilya shirts. 

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.