Emosyon bumuhos sa pagbabalik ng 3 kampana sa Balangiga

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 10:12 PM | Updated as of Jul 18 2019 03:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mula sa Maynila, inilipad na pabalik ng Eastern Samar ang tatlong makasaysayang Balangiga bells matapos ang higit isang siglo.

Pasado alas-7 ng umaga isinakay na ang mga kampana sa C130 plane ng Philippine Air Force sa Villamor Airbase at matapos ang mahigit isang oras na biyahe ay lumapag na ang eroplano sa bayan ng Guiuan.
 
Para sa Air Force pilot na si 1st lieutenant Rald Maiko Pinca, hindi niya malilimutan ang karanasan na maghatid mismo ng mga kampana ng Balangiga.

"As a Waraynon, I feel very proud maging part ng very historic event na to," aniya. 

PORMAL NA TURNOVER

Watch more in iWant or TFC.tv

Pasada alas-4 ng hapon Biyernes ay dumating na rin sa bayan ng Balangiga ang tatlong kampana. 

Sa pag-uwi ng mga kampana matapos ang higit isang siglo, emosyonal at bumuhos na ang luha ng mga taga-Balangiga nang masilayan ang mga ito. 

Mula Olongapo, nagmaneho pa ng dalawang araw ang retired US military na si Kart Weltert papuntang Balangiga para makita nang personal ang Balangiga bells. 

Masaya siya na sa wakas, maisasara na ang madilim na yugto ng Philippine-American war kung saan libo-libong Pinoy ang napaslang. 

"We feel very, very good. The veterans in Wyoming agree, we finally agree to return it," pagmamalaki ni Weltert.

Mas masaya naman ang mga kaanak ng mga naging bahagi ng Balangiga conflict.     
    
Si Nemecio Duran na apo ng nagpatunog ng kampana noong Setyembre 28, 1901, hindi maipaliwanag ang nararamdaman. 
    
Kung nabubuhay lang aniya sana ang kaniyang lolong si Vicente Candelosas, ito ang mangungunang salubungin at patunugin ang mga kampana. 

"Kung nasaan man kayo, lolo at lola, masayang masaya kami sa inyong ginawa para sa ating kalayaan at ipagpapatuloy namin ang inyong mga mithiin hanggang sa kung saan man 'yun," ani Duran.

Para sa mga Balingian-on, hindi lang ang kasaysayan ang nabuo sa pagbabalik ng mga kampana kundi ang kanilang pagkatao. 

—Ulat nina Raphael Bosano at Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.