Anak ni BuCor chief Faeldon, napasama sa drug raid

Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 09:35 AM | Updated as of Dec 14 2018 11:34 AM

NAGA CITY – Isa umano ang anak na panganay ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon sa mga taong natagpuan sa isang bahay na naging subject ng search warrant, Biyernes ng madaling araw sa Barangay Mabolo sa lungsod na ito.

Depensa ni Faeldon Jr., kasintahan niya ang anak ng subject sa drug raid na si Russel Lanuzo, alyas Bubbles.

“Gusto ko lang sabihin na inosente ako sa pangyayari. It so happened lang na 'yung tinitirahan ko subject pala nu'ng raid so napasama ako,” paliwanag ni Faeldon Jr.

Nasa Naga City rin umano siya dahil dito nag-aaral ng kolehiyo ang kaniyang girlfriend.

Dagdag pa n'ya na hindi pa anila sila nagkakausap ng kaniyang ama.

“Di pa. ‘Di ko sinabi kasi ayoko mag-explain. Kung tutuusin labas naman talaga ako,” sabi niya.

Pero ayon kay Senior Superintendent Felix Servita, hepe ng Naga City Police Office, pwede pa ring makasuhan si Faeldon Jr.
 
“During the operations ay may nadatnan kami na 3 personalidad doon. Ang isa ay allegedly si Nicanor Faeldon Jr. So lahat-lahat apat ang dinala namin sa police station. Hindi siya ang subject ng operation kundi 'yung isa. Sa mga reports namin ay drug den 'yun. 'Yun ang pinagaaralan naming na kasuhan siya ng visiting drug den,” sabi ni Servita.

Sa ngayon, ipapasailalim sa drug test si Faeldon Jr.

Kumpiyansa naman siya sa magiging resulta nito dahil kahit paninigarilyo ay hindi nito ginagawa.

Tatlong magkakasabay na drug operation ang isinagawa sa Naga City Biyernes ng madaling araw kung saan anim ang nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.