ALAMIN: Pananagutan sa batas ng mga naninira sa social media

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 05:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pag-usad ng teknolohiya ay kasabay rin nito ang ilang "makabagong" gawain na makapagpapahamak sa kapuwa.

Isa na dito ang paninira sa social media, na ayon sa isang abogado ay labag sa batas na Cybercrime Prevention Act of 2012.

Sa "Usapang de Campanilla" nitong Huwebes, nagbabala si Atty. Claire Castro na pasok sa cyber libel ang paninira ng kapuwa gamit ang social media.

"Hindi biro ang ginagawa ng mga kababayan na sa social media ang [pag-atake] sa kaaway... Hindi 'yon kasama sa karapatang mamahayag," aniya.

May parusang anim hanggang 12 taon ang cyber libel sa ilalim ng Cybercrime Law.

Maaari ring pagbayarin ng danyos ang mapapatunayang nanira ng kapuwa sa social media lalo na kung nasira ang reputasyon ng biktima.

Pero kung hindi nagbigay-pahiwatig ang nag-post kung sino ang pinatatamaan niya, ayon kay Castro, hindi pa ito maaaring parusahan.
 
Bagama't importante ang karapatang ihayag ang mga hinaing, ani Castro, kinakailangang gawin ito sa tamang pamamaraan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.