P10-milyong halaga ng karne mula China, nasabat sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 06:04 AM | Updated as of Dec 13 2019 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Kumpiskado sa Maynila nitong Huwebes ang nasa P10 milyong halaga ng hinihinalang karne mula China.

Nasabat ng Veterinary Inspection Board at Special Mayor’s Reaction Team ang kahon-kahong meat products sa isang warehouse sa Balut, Tondo.

Laman ng mga ito ang nasa higit 10 toneladang duck meat at mga sausage.

Walang dokumento ang mga naturang kargamento na nagsasaad kung saan galing ang mga ito. Pero nakasulat sa Chinese characters ang tatak ng mga kahon at packaging.

Isa sa mga sasakyang pinagkargahan ng mga karne ay kapareho ng sasakyan sa warehouse sa Navotas City kung saan ang tone-toneladang poultry products din ang nakumpiska noong Miyerkoles ng gabi.

"May tip na nakuha galing sa isang siyudad. Pumasok ng Maynila. Sinundan nila nakita nila 'yong warehouse," Manila mayor Isko Moreno.

Beberipikahin ng lokal na pamahalaan ang pagkakakilanlan ng itinuturong may-ari ng warehouse sa Tondo. Aalamin din kung may clearance ito sa barangay at kung may business permit sa lungsod.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.