2 patay, 14 sugatan sa ambush ng umano'y NPA sa Eastern Samar

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 06:12 PM | Updated as of Dec 13 2019 09:31 PM

MAYNILA (UPDATE) - Patay ang isang pulis at isang babae habang sugatan ang 14 pa sa pananambang ng mga umano'y miyembro ng New People's Army (NPA) sa Borongan City, Eastern Samar nitong Biyernes.

Ayon sa pulisya, tinambangan ng mga miyembro ng NPA ang isang police mobile ng Eastern Samar Public Safety Force habang bumabaybay ito sa isang kalsada sa Barangay Libuton.

Limang pulis at 9 na sibilyan ang nasugatan sa pananambang habang isang pulis na sakay ng police mobile ang nakaligtas.

Ayon sa tagapagsalita ng Police Regional Office 8 na si Police Lt. Col. Bella Rentuaya, nakarinig din ang ilang testigo ng malakas na pagsabog sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Tinutukoy pa kung ilan ang suspek sa krimen habang iniimbestigahan ang naturang insidente.

Kinondena ng pulisya ng Eastern Visayas ang pangyayari.

- Ulat nina Arra Perez, Sharon Evite at Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.