Balangiga naglatag ng mga patakaran sa 'pag-uwi' ng 3 kampana

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2018 08:45 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilatag na ng Balangiga church ang magiging daloy at patakaran sa seremonya ng pagbabalik ng tatlong kampana sa probinsiya sa Sabado. 

Kasabay ng formal turnover ng tatlong kampana ay magkakaroon din ng thanksgiving Mass na gagawin mismo sa ibaba ng altar ng simbahan. 

Inaasahan ang pagdating ng mga VIP na pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, iba pang mga opisyal ng pamahalaan, at anim na obispo. 

Kaya naman nitong Huwebes, ipinamigay na ang mga imbitasyon sa iba-ibang parokya at puspusan na rin ang paggawa sa estanteng magdadala sa mga kampana sa altar. 

Gayumpaman, wala pang tiyak na oras ang gagawing mga aktibidad dahil hindi pa natutuloy ang pagpupulong ng parokya at lokal na pamahalaan ng Balangiga sa Presidential Management Staff. 

Sa kabila ng magkahalong excitement at kaba, tiyak umanong "espesyal" ang magiging misa sa Sabado, ayon kay Father Lentoy Tybaco na parish priest ng Balangiga church. 

"Para sa akin, kakaibang misa ang mangyayari, sa tagal ng panahon na wala 'yung mga bells. May galing pang Amerika na mga obispo. Parang sasabihin natin na more than special ang occasion na ito," aniya. 

Alam ni Tybaco na maraming magpupunta para makita nang personal ang Balangiga Bells kaya nagbigay siya ng paalala. 

    "After the unveiling ng bells, ipapakita na sa mga tao. Pero avoid pa rin 'yung paghawak at 'yung selfie," anang pari.

PAGTUTOL

Samantala, pumalag naman ang simbahan sa resolusyon ni Senador Juan Miguel Zubiri na ilagay ang isa sa mga kampana sa National Museum para makita rin ng iba pang Pilipino. 

"Senate Resolution 965 does violence to history and the sacred character and purpose of the Balangiga Bells. It must be rejected... It is only right that they be returned to Balangiga and stay in Balangiga," ayon sa pahayag ng Diocese of Borongan na nangangasiwa sa mga simbahan sa Balangiga, Eastern Samar. 

Pero sabi ni Zubiri, ipahihiram lang naman daw ito para masaksihan rin ng ibang Pinoy. 

"If they don't agree then so be it... We're just asking it to be lent to the National Museum so that more Filipinos will know the history of our country," 

Mahigit isang siglo o 117 taong nawala sa Balangiga ang tatlong kampana na tinangay bilang war trophy ng mga Amerikanong sundalo. —Ulat ni Rapahel Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.