Magtiyuhin, sugatan sa pamamaril sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 10:18 PM

Sugatan ang dalawang lalaki matapos umanong pagbabarilin ng kanilang kamag-anak dahil sa nawawalang motorsiklo.

Isinugod sa ospital ang amang si Jimmy Complisa dahil sa tinamong sugat sa tiyan dahil sa tama ng bala ng baril.

Kasama niyang nasugatan ang pamangkin na si Adrian Complisa na may tama din sa hita nang pagbabarilin ng kanilang 47 anyos na kamag-anak sa Barangay Camang-damang sa bayan ng Isabela, Negros Occidental nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Police Major Ruben Pajarito ng Isabela, galit na sumugod sa bahay ng mga biktima ang suspek upang hanapin ang nawawala nitong motorsiklo.

Posible na ang magtiyuhin ang napagbintangan at nabaril ng nakatakas na suspek.

Madalas na pinapahiram ng suspek ang kaniyang motorsiklo sa mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.