Lalaking naaktuhang nanloob ng bahay sa Bacoor, timbog

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 05:03 AM

MAYNILA—Arestado ang isang hinihinalang kawatan matapos umanong manloob sa isang bahay sa Bacoor City, Cavite nitong Lunes.

Kinilala ang suspek na si Crisencio Palcon, 41 anyos, na ilang beses nang nakulong dahil sa pagnanakaw.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, hinabol si Palcon sa Barangay Kaingen matapos maaktuhang tumalon sa gate ng isang bahay.

Nakorner ang suspek sa Barangay Daan Bukid at kinuyog ng ilang residente. Narekober sa suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng pera, card at ilang gamit.

Nahuli si Palcon sa loob mismo ng bahay kaya tumawag ang babae ng tulong.

Bago ang insidente, hinoldap din umano ng suspek ang isang lalaki sa katabing barangay ng Alima.

Tinutukan niya ng kutsilyo at tinangay ang wallet ng biktima na may lamang P27,000.

Ayon kay Police Col. Vicente Cabatingan ng Bacoor City police, 6 na beses nang nakulong dati sa lungsod si Palcon.

Nakalaya ang suspek nang ma-dismiss ang kaso dahil sa hindi pagsipot sa korte ng mga biktima.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.