Halos P7 milyong halaga ng shabu nasabat sa Zamboanga; 3 tiklo

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 10:33 PM

Kuha ng PDEA-9

ZAMBOANGA CITY- Aabot sa P6.8 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya sa isang buy-bust operation sa Zamboanga City nitong Huwebes.

Tatlo, kabilang ang isang babae, ang nahuli din ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa isang pension house sa Camins Avenue.

Ayon kay Jury Rocamora ng PDEA-9, base sa resulta ng kanilang paunang imbestigasyon, kapareho umano ang packaging ng drogang nasabat sa dating ding nakuha nila sa isang buy-bust operation sa Barangay Tumaga.

Base din umano sa mga imbestigasyon ng ahensiya, ang ganitong packaging ng droga ay nangangahulugan na galing itong sa mga bansa na kabilang sa Golden Triangle, katulad ng Myanmar at Thailand.

Dagdag ng PDEA, isang buwan na nilang binabantayan ang mga suspek na karamihan ay galing sa bayan ng Bongao sa Tawi-Tawi.

Kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa sa tatlong naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.