Kompanya naghahanap ng 100,000 Pinoy na English teachers

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2018 04:32 PM | Updated as of Jul 24 2019 04:34 PM

Nagtatrabaho ang ilang kostumer ng isang cafe sa Quezon City. Mark Demayo, ABS-CBN News

 

Isang online education platform ang nag-aalok ng trabaho para sa libo-libong Pinoy na maaaring magturo ng wikang English.

Ayon sa kompanyang 51Talk, nasa 100,000 Pinoy na English teachers ang balak nilang kuhanin sa susunod na limang taon.

Pinakamagaling daw kasi ang mga Pinoy sa pagtuturo ng English, ayon kay 51Talk founder at chief executive officer (CEO) Jack Huang.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon pa kay Huang, halos lahat ng 200,000 estudyante nila ay mga Chinese na gustong matuto ng English.

Sa kasalukuyang 18,000 online English teachers ng 51Talk, 16,000 rito ay mga Pinoy.

Kabilang sa mga rekisito ay college degree, pagkabihasa sa English, may hilig sa pagtuturo, at may maayos na internet connection.

Maaari umanong sumahod ng hanggang P80,000 kada buwan ang mga full-time English teacher.

Ayon naman sa Department of Labor and Employment, bagaman hindi ipinagbabawal ang telecommuting o iyong mga home-based online job, dapat maging mapanuri ang mga aplikante.

Kasalukuyang nakabinbin sa Senado ang Senate Bill No. 1033 o ang Telecommuting Act of 2016 na layong protektahan ang mga may online job na naghahanapbuhay mula sa kanilang mga bahay.

May kautusan na ring inilabas ang Bureau of Internal Revenue na nagsasabing kailangang magbayad pa rin ng tamang buwis ang mga naghahanapbuhay sa pamamagitan ng telecommuting.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.