Mga mangingisdang lulan ng 5 bangka huli sa illegal fishing sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 06:56 PM

Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Brooke's Point Sub-Station ang mga tripulanteng lulan ng limang bangka sa Barangay Inogbong sa bayan ng Bataraza sa Palawan Lunes dahil umano sa ilegal na pangingisda.

Naaktuhan umano ng awtoridad na nangingisda ang mga commercial boats na FBCA Maria Elena 4, FBCA Maria Elena 5, FBCA Princess Hanna 2, FBCA Adrian at FBCA Daryl John sa lugar.

Nang lapitan ng mga operatiba ng PCG, natagpuan nila ang mga compressor na mahigpit na ipinagbabawal na gamitin sa pangingisda.

Ayon sa PCG, nilabag ng mga mangingisda ang Municipal Ordinance on Fisheries No. 2 series of 2000.

Ang mga mangingisda ay natagpuan rin sa layong 0.5 nautical miles mula sa mainland na isa ring paglabag sa ordinansa ng bayan.

Kinumpiska ng awtoridad ang mga bangka at pagmumultahin rin ang mga ito.

Ipinaalam na rin ng PCG sa lokal na pamahalaan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.