Pamilya ng 5 nawawalang mangingisda, humihingi ng tulong

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2016 08:08 PM

PANGASINAN - Umaasa ang pamilya ng limang nawawalang mangingisda sa Infanta, Pangasinan na muli nilang makakasama ang kanilang mga kaanak sa darating na Pasko.

Sa lamay ng dalawang narekober na mangingisda humuhugot ng lakas ang pamilya ng limang mangingisda na hinahanap pa rin ngayon. Umaasa silang matatagpuan ang mga ito, buhay man o patay.

Malakas naman ang kutob ni Flor Gamboa na buhay pa ang asawang si Jomar.

Bukod kay Jomar, pinaghahanap pa rin ngayon sina Pedro Amor, Alfredo Bautista, Carding Mical at isang alyas Jerry.

Maliban sa mga kaanak, kapwa mangingisda na rin ang naghanap sa lima. Hinanakit nila, hindi raw sila tinutulungan ng Philippine Coast Guard.

Wala sa Sual Coast Guard Detachment ang hepe nito, pero depensa ng mga tauhan nito, may ipinadalang grupo ang national headquarters ng Coast Guard para tumulong sa paghahanap.

Nitong Lunes, pinayagan nang magpalaot ang iba pang mga mangingisda matapos tanggalin ang gale warning sa lugar.