Mga nakahambalang na barko sa Ilog Pasig tinanggal para sa 'water jeepneys'

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 06:22 PM | Updated as of Dec 11 2019 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sinimulan nang tanggalin nitong linggo ang mga barko na nakahambalang at nakadaong sa Ilog Pasig kasabay ng planong buhayin muli ang ferry service doon bilang alternatibo sa problema sa trapiko sa Kamaynilaan.

Lulan ng tugboat noong Martes, magkakasamang sinuyod nina Transportation Secretary Arthur Tugade, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Danilo Lim, Environment Secretary Roy Cimatu, Manila Mayor Isko Moreno, at mga opisyal ng Philippine Coast Guard ang Pasig River.

Malayo pa lang, kita na ang ilang kinakalawang na mga barko at barge na taon na raw nakadaong sa ilog.

Ayon pa sa Philippine Ports Authority (PPA), maraming barko ang umabuso noon sa Pasig River.

"Iyung umaangkla o pumaparada beyond Delpan Bridge, 'di sila nagbabayad ng dues sa PPA, kung baga illegal parking sila doon... Kung susumahin mo, deka-dekada na, siguro million o billion na ang hindi nila binabayaran," ani PPA General Manager Jay Santiago.

Ayon kay Tugade, nais nilang ipa-revoke ang batas kung saan pinapayagan ang double berthing o side by side parking ng mga barko sa Pasig River.

Mula Martes, umabot na sa 10 barko na nakahambalang sa Pasig River ang naialis na.

Sabado nang maglayag naman ang isa pang ferry service na babaybay mula Cavite City pa-Maynila.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.