Mga gulay sa Benguet, nababalot na ng frost

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 04:02 PM

Nabalutan ng frost o andap ang mga pananim ng mga magsasaka sa Atok, Benguet. Larawan mula kay Albert Manangan

BAGUIO CITY – Umpisa nang mabalot sa frost o andap ang mga pananim na gulay ng mga magsasaka tulad ng repolyo dahil sa lamig na klima sa Atok, Benguet. 

“Yung mga tanim namin ayos naman. Maganda pa din. Yung andap ‘di naman malaking impact ‘yan,” ayon kay agriculturist si Edward Haights.

Mga gulay na ‘di tinatamaan ng andap ang kanilang itinatanim kapag malamig ang panahon gaya ng carrots at repolyo, ayon kay Haights.

May magandang dulot din naman daw ang malamig na panahon sa kanilang mga pananim. May mga gulay na mas tumatamis at mas mahaba ang preservation.

Maganda rin ang tubo ng mga bulaklak ngayon na isa sa mga produkto ng Atok, ayon sa mga magsasaka.

Bukod pa dito, mag-uumpisa na rin ang pagdagsa ng mga turista dahil sa malamig na temperatura.

Mula Disyembre 18 hanggang sa 25 fully booked na ang kanilang mga cottage at inn.

Ilan sa mga puwedeng bisitahin sa bayan ay ang Mt. Timbac kung saan maaring mag sunrise watching, sa Sakura Park na mayroon namang cottage na maaari ring rentahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.