Burnham Park sa Baguio isasailalim sa rehabilitasyon

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 03:38 PM

MAYNILA - Maglalaan ang Department of Tourism ng P400 milyon para isailalim sa rehabilitasyon ang Burnham Park sa Baguio City, ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Sisilipin ang sewerage system sa Burnham at ide-develop ang itsura ng mga pasyalan sa 34 na ektaryang complex, ani Puyat. Kilala ang park sa pagbibisikleta, mga picnic at pamamangka sa isang lagoon.

"What's more important is we discussed wala nang cutting of trees and no more new buildings kasi crowded na yung Baguio," ani Puyat sa isang media forum sa Maynila.

Salungat ito sa kumalat na balita na gagawing parking lot ang Burnham Park dahil sa pagdami ng mga sasakyan at lumalalang trapik sa lungsod. 

Target din ng ahensiya na gawing pedestrianized ang ilang area sa Baguio para maengganyong maglakad ang mga tao sa halip na magsasakyan. 

Maging ang mga local market ay ire-rehabilitate at gagawing smart city ang Baguio. 

Nangako rin si Puyat na ide-develop ang mga katabing munisipalidad para magpunta rin doon ang mga tao at hindi lahat nagsisiksikan sa Baguio.