56 hayop nasagip sa illegal wildlife farm sa Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 02:01 PM

Limampu't anim na hayop na nagkakahalagang P300,000 na ipinuslit sa bansa ang nasagip ng mga awtoridad sa pagsalakay sa isang illegal wildlife farm sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro noong Martes.

Kabilang sa mga nasagip na hayop ang iguana, tortoise, African lovebirds, cockatiel, crimson-bellied conure, Indian ring-necked bird, rainbow lorikeet, at 3 klase ng parakeet na pawang mga endangered o nanganganib nang maubos na mga hayop.

"'Yong iba kasi galing sa Palawan, 'yong iba naman mga exotic sila and therefore, they are illegally smuggled papasok sa bansa natin," ani Rogelio Demelletes Jr. ng Biodiversity Management Bureau (BMB) sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Nobyembre nang unang makatanggap ang National Bureau of Investigation Environmental Crime Division ng sumbong ukol sa illegal wildlife farm sa Gloria, ayon sa DENR-BMB.

Ilang linggo umanong tiniktikan ng mga awtoridad ang lugar hanggang sa magkasa ng operasyon kung saan nagpanggap ang isang NBI agent na bibili ng ibon sa halagang P2,000 sa may-ari ng farm na si Fernando Zamoranos Jr.

Wala si Fernando sa farm nang mangyari ang operasyon pero naaresto ang anak niyang si Zam Angelo, na nakaharap ng NBI agent na nagkunwaring buyer.

Naaresto rin ang animal handler na si Jessie Dacutanan.

Kinasuhan na ng paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 ang mga suspek.

Mananatili muna sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon City ang mga nailigtas na hayop habang ginagawa ang wildlife rescue center sa Oriental Mindoro. 

-- Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.