Bahay ng presidente ng CENECO, hinagisan ng granada

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2018 04:20 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Video mula sa Murcia police

MURCIA, Negros Occidental - Hinagisan ng granada Lunes ng madaling-araw ang bahay ng presidente ng Central Negros Electric Cooperative (CENECO) sa bayan ng Murcia, Negros Occidental.

Wala namang nasaktan sa insidente matapos hindi sumabog ang granada.

Sa kuha ng CCTV, hinagis ng hindi pa kilalang lalaki ang granada alas-4 ng madaling-araw. Agad itong tumakbo palayo.

Sa parking lot ng bahay ni Dwight Carbon bumagsak ang granada. Nasa loob ng bahay ang kaniyang 2 anak at mga kasambahay nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Chief Insp. Roberto Indiape, hepe ng Murcia police, natanggal na ang firing pin at safety pin ng M61 fragmentation grenade.

"Mabuti na lang na nag-malfunction ang granada," aniya.

Ayon sa isang kasambahay, natagpuan na niya ang granada alas-8 Lunes ng umaga habang nagwawalis siya sa parking lot. Agad siyang humingi ng tulong.

"Akala ko laruan lang... 'yung granada hindi namin ginalaw," aniya.

Nirespondehan na ng explosive ordnance disposal (EOD) unit na mula pa Iloilo ang insidente.

Dagdag naman ni Indiape, malaking tulong ang CCTV footage sa kanilang imbestigasyon. Isasailalim ito sa video enhancement para mamukhaan ang salarin.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa motibo nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.