Trapiko asahan sa EDSA, iba pang kalsada sa SEA Games closing sa Miyerkoles

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 05:10 PM

Posibleng bumigat ang daloy ng trapiko sa EDSA at iba pang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila sa Miyerkoles, Disyembre 11, kaugnay ng pagtatapos ng 30th Southeast Asian (SEA) Games, sabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Hindi bababa sa 114 bus at iba pang mga sasakyan ng SEA Games delegates ang bibiyahe mula sa kanilang mga hotel sa iba-ibang panig ng Metro Manila papuntang New Clark City sa Tarlac sa hapon, ayon sa MMDA.

Sa New Clark City kasi idaraos ang closing ceremony ng palaro.

Dahil dito, gagamitin umano ang mga yellow lane, inserts patungo sa mga flyover, at mga tunnel at underpass sa EDSA.

Pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na iwasan ang yellow lane para bigyang daan ang mga convoy.

May nakatalaga naman umanong mga traffic personnel para gumabay sa mga motorista at convoy.

Mula nang mag-umpisa ang SEA Games noong Nobyembre 30, nagpapatupad ang MMDA ng stop-and-go traffic scheme sa EDSA at iba pang mga kalsada sa Metro Manila para sa mga delegado ng palaro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games