SAPUL SA CCTV: Pagdukot sa tricycle driver sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan ng Quezon City Police District (QCPD) ang umano ay pagdukot sa isang tricycle driver sa lungsod ng mga lalaking lulan ng 3 sasakyan, na nakunan ng mga surveillance camera.

Sa kuha ng isang closed-circuit television camera, mapapanood na hinarang ng 2 van at isang Innova ang tricycle ni Nino Mendoza sa may Kamias Road noong Nobyembre 30.

Dinukot ng mga sakay si Mendoza at tinangay ang tricycle nito, na noo'y may pasahero.

Inaalam na ng mga awtoridad ang motibo ng mga dumukot kay Mendoza at patuloy rin itong hinahanap, ayon kay Capt. Ricardo Gomez, tagapagsalita ng QCPD Station 9.

Hawak na rin ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police ang kaso, ani Gomez.

Tingin naman ng mga kamag-anak ni Gomez ay posibleng kasabwat ang huling pasahero ng biktima.

Sa ngayon, binabalikan ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV ng mga posibleng dinaanan ng mga sasakyang ginamit ng mga salarin.

Hindi pa rin narerekober ang tricycle ni Gomez.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.