Pagkakakilanlan ng babaeng Chinese na dinukot sa Makati tukoy na

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 04:13 PM | Updated as of Dec 10 2019 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tukoy na ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng isang babaeng hinihinalang dinukot sa business district ng Makati City noong Lunes.

Kinilala ni Makati police chief Col. Rogelio Simon ang babae bilang si Zhou Mei, 28 anyos at empleyado ng Philippine offshore gaming operator (POGO).

Nabigyan ng pagkakakilanlan ang babae matapos dumulog sa Makati City Police Station ang isang babaeng nagpakilalang kamag-anak ni Zhou.

Kaugnay naman sa taong nakapangalan sa deed of sale na nakuha sa pinangyarihan ng umano ay pagdukot, kinilala siya ng pulisya bilang si Chen Tangbin, na umano ay mister ni Zhou.

Pero hindi pa malinaw kung konektado sa trabaho bilang POGO employee ang pagtangay kay Zhou, ayon kay Simon.

Hindi rin alam ng pulisya kung saan dinala si Zhou.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, ipinag-utos na niya sa mga pulis ang pagpapaigting ng police visibility sa lungsod.

Bagaman itinuturing ng alkalde ang insidente bilang "isolated incident," hinimok ni Binay ang publiko na maging aktibo sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad sa mga kaparehong pangyayari.

Para naman kay Sen. Ronald "Bato" dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, hindi dapat mabahala ang publiko dahil sila-silang mga dayuhan lang naman ang nagkikidnapan..

Tiniyak din ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ligtas pa rin sa mga kalsada at pinaalalahanan ang publiko na laging maging alerto kapag nasa mga pampublikong lugar.

Nakunan ng video ang pagsakay ng mga lalaki kay Zhou sa isang van pasado alas-9 ng gabi sa kanto ng Paseo de Roxas at Perea Street. Maririnig din sa video ang walang tigil na pagsigaw ng babae.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.