Chinese 'drug lord' naharang sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 02:39 PM

Dinakip sa NAIA ang isang papaalis na Chinese matapos lumabas sa database ang umano'y koneksyon nito sa Dragon Wu International Syndicate. Bureau of Immigration/handout

MANILA — Inaresto ng mga awtoridad ang isang hinihinalang Chinese drug lord sa Ninoy Aquino International Airport ngayong Martes. 

Hinarang sa departure area ng NAIA Terminal 3 ang 29-anyos na si Hong Liangyi na patungo sanang Istanbul, Turkey bago ang kanyang final destination sa Iran, ayon kay Bureau of Immigration port operations division chief Grifton Medina. 

Ito'y matapos aniyang makita sa database ng ahensya na may hold departure order at may kinakaharap na warrant of arrest si Hong dahil sa ilegal na droga sa Cavite at Batangas.

Kabilang umano ang suspek sa Dragon Wu International Syndicate na nasa likod ng ilang drug laboratory, kabilang ang isang pagawaan ng ecstasy sa Malabon at shabu sa Batangas, dagdag ni Medina. 

Nitong Enero 2018 naglabas ang isang korte sa Tagaytay ng hold departure order laban kay Hong at 2 pang Chinese drug suspect. 

Mayroon ding hiwalay na drug case si Hong kasama ang 13 iba pa sa Rosario, Batangas, dahilan para maharap siya sa arrest warrant noong Hunyo 2018. 

Nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Administration ang suspek. — Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.