Researcher mula UP Los Baños, namatay sa Mt. Apo

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 11:43 PM

KIDAPAWAN CITY - Isang researcher na nagtapos ng kaniyang master's degree sa University of the Philippines Los Baños ang namatay sa Mt. Apo.

Ayon sa impormasyon mula sa pulisya, ika-5 ng Disyembre nang umakyat sa Mt. Apo ang apat na researchers.

Mayroon umanong research study ang grupo.

Nitong Linggo, nakatanggap ng report ang pulisya na isa sa kanila ang namatay sa bundok.

Kinilala ang namatay na si James Alvarez, 27 taong gulang. Sabado pa umano nang magsimulang magsuka si Alvarez at binawian ito ng buhay noong Linggo.

"Nagsusuka daw tapos nanghihina. Tinry pa mai-save pero hindi na kinaya," ani Police Superintendent Ramel Hojilla ng Kidapawan City Police.

Ayon sa Kidapawan City Tourism Office, nagpadala sila ng rescue team sa Mt. Apo nang malaman ang kalagayan ni Alvarez ngunit hindi na ito nailigtas.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Inaalam rin kung mayroon bang foul play na nangyari.

Nakiusap na rin ang pamilya ni Alvarez naisailalim ang bangkay nito sa isang autopsy para matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.