Negosyante patay sa pananambang sa Baguio City

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 09:45 PM

BAGUIO CITY - Patay ang isang 58 anyos na negosyante matapos pagbabarilin sa Marcos Highway, Baguio City nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Samuel Mora. Pauwi na sana ito mula sa paghahatid ng anak sa eskuwelahan nang tambangan ng 2 lalaking nakamotorsiklo.

"Nilakad yung pagpapaputok sa kaniya tapos bumalik na ng motor para makatakas. We recovered 1 motorcycle, 2 helmets and jacket sa area," ayon kay Police Colonel Allen Rae Co.

May mga nahuling persons of interest pero hindi pa tiyak kung sila nga ang salarin.

Nakuha rin sa crime scene ang 16 na basyo ng bala ng hindi pa tukoy na uri ng baril.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima. Isinugod ito sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay.

Tumangging humarap sa camera ang anak ng biktima, pero aniya, wala silang alam na kaaway ng kanilang ama.

Una na ring namatay sa pananambang sa Bulacan ang anak ng biktima na si Dave Mora noong Nobyembre 21.

“This is an isolated incident and connected sa dealing nila outside of Baguio. We are trying to contact Meycauayan, Bulacan police to see if magkaconnect ang incident na ito," dagda pa ni Co.

May negosyo sa Bulacan ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.