'Madam' nahulihan ng P3.4-M shabu sa Cubao

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 10:43 AM

MANILA — Inaresto ng mga awtoridad sa Cubao, Quezon City nitong Linggo ang isang babaeng kilala sa alyas na "Madam" at nagbabagsak umano ng droga sa mga karatig na lungsod. 

Nagbenta ng droga sa mga operatiba ang 33-anyos na babae sa parking lot ng Araneta Center, kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency, Lunes. 

Nakumpiska sa kaniya kinalaunan ang nasa kalahating kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P3.4 milyon, dagdag ng ahensya. 

Residente ng kalapit na Tondo, Maynila ang suspek na hindi iniharap sa media ng mga awtoridad. 

May ulat nina Lyza Aquino at Jervis Manahan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.