Ambulansiya binangga ng AUV sa Iloilo City

Hernani Escullar Jr., ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 07:25 AM

Inilipat na lamang sa ibang ambulansiya ang pasyenteng dadalhin sana sa pagamutan. Nadale ang kanang likurang bahagi ng ambulansiya nang banggain ito ng isang AUV sa intersection sa Taft North sa Mandurriao. Hernani Escullar Jr., ABS-CBN News

ILOILO CITY – Pumutok ang gulong at nayupi ang gilid ng ambulansiya ng Iloilo Provincial Hospital na magdadala sana ng pasyente sa Western Visayas Medical Center matapos banggain ng isang AUV, madaling araw ng Lunes.

Galing sa Jaro Plaza at papatawid na patungong Western Visayas Medical Center ang ambulansiya na minamaneho ni Victorino Presidente.

Patungo naman ng city proper ang AUV na minamaneho ni Rolando Salvadico Jr. nang abutan sa intersection ng Taft North sa Mandurriao ang ambulansiya.

Ayon kay Master Sergeant Alfredo Masamong Jr., ng Mandurriao Police, dapat na mag-give way ang mga behikulo kapag may dumaraang ambulansiya o anumang emergency vehicle.

Hindi naman nasaktan sa aksidente ang pasyenteng inilipat na lamang sa ibang ambulansiya.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa sanhi ng aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.