Minimum na sahod, kulang para sa ilang manggagawa

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2018 06:46 PM | Updated as of Jul 31 2019 01:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtatrabaho bilang factory worker sa Bulacan si Shiela Untal, na kumikita ng P400 kada araw alinsunod sa kasalukuyang minimum na sahod sa Central Luzon.

Pero aminado si Untal na kahit dalawa na sila ng kaniyang mister, na isa ring factory worker, na naghahanapbuhay, nahihirapan pa rin silang pagkasyahin ang kanilang mga kita para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan.

"Mahirap po pagkasyahin. Minsan nga po, hindi pa dumating 'yong sahod may utang ka na po kasi nga po, maliit lang 'yong sinasahod namin," ani Untal.

Gaya ni Untal, hirap din umano si Rachelle Palacio na pagkasyahin ang sahod ng kaniyang mister, na kumikita ng P510 kada araw bilang janitor sa Metro Manila.

"Napakahirap po. Ang hirap i-budget ng sahod kahit sabihin... minimum na pero may utang pa rin kami," ani Palacio.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), halos lahat ng rehiyon sa bansa ngayong 2018 ay nagkaroon ng pagtaas sa kanilang minimum wage rate o halaga ng minimum na pasahod.

"Labinglimang regional tripartite wages and productivity boards na 'yong nakapag-issue ng wage order... dalawa na lang 'yong natitirang region na hindi nakapag-issue," sabi ni NWPC Executive Director Maria Criselda Sy.

Pero ayon sa IBON Foundation, hindi pa rin sapat ang pagtaas sa minimum na sahod para mabuhay nang desente ang isang pamilyang Pilipino.

Naniniwala pa rin ang grupo sa panukalang itakda sa P750 ang minimum wage kada araw sa lahat ng rehiyon sa bansa.

"Mas malala ang situwasyon sa probinsiya, mas mabilis ang inflation, mas nagmahal ang bilihin pero mas mababa ang wage hike sa kanila," sabi ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa.

Ayon naman sa NWPC, pinag-aaralan ng miyembro ng board ang pagtaas ng sahod taon-taon ayon na rin sa kanilang mandato.

Bumagal noong Nobyembre ang inflation o iyong bilis ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Naitala sa 6 porsiyento ang inflation noong Nobyembre, mula sa 6.7 porsiyento inflation noong Oktubre at noong Setyembre.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.