Bus nahulog sa bangin, higit 20 sugatan

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 12:59 PM | Updated as of Dec 08 2019 01:50 PM

Mabagal lamang umano ang patakbo sa bus nang maaksidente ito at tuluyang mahulog sa bangin sa bayan ng Catmon sa Northern Cebu. Jude Torres, ABS-CBN News

Mahigit 20 katao ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang bus sa Barangay Panalipan sa bayan ng Catmon sa Northern Cebu, Linggo ng umaga.

Nagtamo ng minor injuries ang mga sugatan na agad na dinala sa ospital. Sasagutin ng kumpanya ng Ceres bus ang pagpapagamot sa mga nasugatan.

Galing sa bayan ng Tabogon ang bus at papunta na sana sa North Bus Terminal sa Mandaue City nang mahulog sa bangin.

Ayon sa driver ng bus na si Iglecerio Landero, bigla na lang tumagilid ang kaniyang menamanehong bus at nawalan siya ng kontrol sa manibela.

Napunta ang bus sa kabilang lane at nabangga sa isang kahoy bago tuluyang mahulog sa bangin.

Sabi ni Landero, hindi overloaded ang bus at mabagal lamang ang kaniyang takbo.

Kakasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple physical injuries ang driver ng bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.