320,000 puto ginawang obra sa Pangasinan para masungkit ang Guinness World Record

Lady Stephanie Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 04:00 PM | Updated as of Dec 09 2017 12:31 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

CALASIAO, Pangasinan - Susubukan ng lokal na pamahalaan dito na masungkit ang Guinness World title para sa pinakamalaking rice cake mosaic sa pamamagitan ng pagbuo ng isang obrang gawa mula sa 320,000 piraso ng puto.

Inilatag ang mga putong kulay asul, pula, dilaw, puti, at itim sa 70 mesa upang mabuo ang 208-square meter na rice cake mosaic na naglalarawan ng isang lolo na sinusubuan ang isang bata ng puto.

Ang larawan ay idinisenyo ng 28-anyos Pangasinense artist na si Kel Padilla.

Ayon sa mga awtoridad, 30 gumagawa ng puto mula sa bayan na bantog sa produktong ito ang tuloy-tuloy na nagtrabaho sa loob ng tatlong araw upang mabuo ang higanteng mosaic.

Ang obra ay inilagak sa airconditioned sports complex dito sa bayan.

Lahat ng lalapit sa mosaic ay kinakailangang magtanggal ng sapatos at magsuot ng hairnet, gloves, mask, at apron upang hindi agad mapanis ang mga kakanin.

Ang mga puto na ginamit para sa mosaic ay ipapamigay sa publiko sa Puto Festival na gaganapin sa bayan.

Ayon sa mga lokal na opisyal, aabutin ng isang buwan bago makumpirma kung nasungkit na ng Pilipinas ang titulo bilang pinakamalaking rice cake mosaic sa buong mundo.

Ang record ay kasalukuyang hawak ng Fukushima, Japan na gumawa ng 64-sqm na rice cake mosaic gamit ang 23,862 na kakanin noong 2012.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.