11 sasakyan inararo ng mixer truck sa boundary ng Cotabato, Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 06:32 PM

COTABATO - Labing-isang sasakyan ang inararo ng isang mixer truck Sabado ng umaga sa boundary ng Cotabato City at bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao.

Napansin ng mga sundalo sa checkpoint papasok ng Cotabato City mula Maguindanao na mabilis umano ang takbo nito.

"Binangga niya pa 'yung mga warning device namin at 'yung mga nakaharang na gulong" ani Cpl. Morsal Imam.

Nang makalampas sa checkpoint, sunod-sunod nang inararo ng truck ang mga sasakyan sa Tamontaka Bridge.

Isa sa mga driver ng inararong sasakyan ay bahagyang nasugatan ng tamaan ng mga nabasag na salamin ng minamanehong sasakyan.

Basag din ang bintana ng ilan sa mga sasakyan habang ang iba ay nagkayupi-yupi ang bumper.

Ayon sa Cotabato City traffic management unit, umabot pa ng mahigit 50 metro mula sa huling nabanggang sasakyan bago napahinto ang mixer truck.

Sumuko ang driver ng trak sa pulisya.

Aniya, aksidente ang nangyari kaya humihingi ito ng tawad sa mga nabiktima. Hindi umano nito inakalang may problema sa trak dahil nauna na siyang nakapag-deliver ng semento bago pa nangyari ang aksidente.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver habang hinihintay pa ang desisyon ng mga biktima kung magsasampa ba ng kaso o kung magkakaroon na lang ng settlement.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.