SK kagawad tiklo matapos masangkot sa basag-kotse

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 03:20 PM

Tiklo ang dalawang kawatan nang gamitin ang isa sa mga nakaw na cellphone para manghingi ng load at pera sa contacts ng may-ari. Larawan mula sa Police Station 8


Arestado ang isang kagawad ng Sangguniang Kabataan sa Bacolod City at kasama nito matapos umano pagnakawan ang isang kotse sa Barangay Tangub noong Martes.

Kasalukuyang nakakulong sa Police Station 8 si SK Kagawad Jerry Catapang at ang 18-anyos na kasamahan nitong si Lito Capunong na kapwa sinampahan ng kasong theft.

Sa imbestigasyon ng pulisya, binasag umano ng dalawa ang bintana ng nakaparadang sasakyan at tinangay ang dalawang cellphone ng may-ari, power bank, pocket WiFi at iba pang kagamitan.

Naaresto sila sa entrapment operation matapos gamitin ang isa sa mga nakaw na cellphone para manghingi ng load at pera sa contacts ng may-ari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.